Umaga

Ang pagsibol ng umaga’y tanglaw
Sa kaisipan ay nagsilbing ilaw
Panaginip sa kawalan ay sinaklaw
Gising para sa panibagong galaw.

Umagang kay ganda’t marikit
Minumulat ang matang nakapikit
Isang salubong at yakap na mahigpit
Ang hatid ng araw na kaakit-akit.

Sa bawat umagang  gumigising ng kamalayan
Pag-asa’t agam-agam ang hatid sa kaisipan
Payapa’t masaya ang alay sa puso naman
Para sa tulad kong nangangailangan.

Batid ng isipa’y malinaw na daloy ng diwa
Sa puso’y pagmamahal ang nangangasiwa
At ang natatanging dasal sa umagang darating
Katabi ang taong nakalaan sa aking piling.

Papang

Naging inspirasyon ko ang kahirapan namin sa buhay na talagang paghusayan ko ang aking pag-aaral. Makatapos taon-taon na nasa pinakatuktok ng karangalan simula elementarya hanggang kolehiyo at pati na rin sa eksamen ng pagiging ganap na inhinyero. Ito ang pinakatatangi kong hamon sa sarili noong ako’y nag-aaral pa. Isang hamong humubog kung nasaan man ako ngayon. Hindi iyon madali sa mga mahirap na mag-aaral tulad ko. Alam kong marami ang nakakahawig sa karanasan kong ito. Tuwing may mga proyekto sa eskwela na kailangang pagkakagastusan ay isang seryosong pag-iisip ng aking mga magulang kung saang baul kukunin iyon dahil kulang pa nga ang salapi sa kaning ihahapag para sa lahat. Mahirap. Masaklap. Nakakawalang-gana minsan.
Ngunit kahit ganoon pa man ay hitik naman ako sa sobra-sobrang pagpupuri ni Mamang na tuwang-tuwa sa mga karangalang natatamasa ko sa paaralan. Pero para sa akin ay kulang pa rin iyon dahil naghahanap din ako ng pagpapahalaga galing kay Papang. Bata pa lang ako e di na talaga ako malapit sa kanya dahil sa pag-uugali nyang iyon na di ko naiintindihan. Hindi sya yung tipong ama na ipinapakita ang kanyang kagalakan sa mga masasayang bagay na nangyayari sa kanyang mga anak. Tahimik lang syang nakatutok sa aming estado sa buhay at kung paanong magsumikap mairaos lang ang bawat isang araw ng buhay-pamilya. Ang kahirapang dahilan kung di sya masyadong nakangiti, na palaging mainit ang ulo at naging mitsa nang madalas na pag-inom ng alak na mag-isa.
Naging lulong nga sa bisyo ng alak ang tatay ko noon at iyon ay nasaksihan naming magkakapatid simula pagkabata. Sa murang isip ay pilit ko itong inintindi at binigyan ng paliwanag kung bakit ito nangyayari sa kanya. Sa amin. Kung bakit humantong sa puntong iniisip ko kung anak nya ba talaga kami dahil hindi ko maramdaman ang kanyang pagmamahal. Kung bakit sa isang punto ay kailangang umiyak nang umiyak ng nanay ko sa tabi habang ang tatay ko ay lunod na sa espiritu ng alak at isinisigaw ang galit sa kahirapan. Hindi ba pwedeng isantabi muna ang mga problema at sabay-sabay kaming tumawa bilang isang pamilya? Oo sabi ni Mamang. Hindi sabi ni Papang.
Lumipas pa ang mga taong palaging ganun ang eksena sa bahay. Nasa kolehiyo na ako nang muntik pang humantong sa hiwalayan ngunit sa pagkakataong iyon ay nagpakatatag akong maging boses naming magkakapatid na dapat hindi humantong sa puntong masisira ang aming pamilya. Sa awa ng Diyos ay di nga nangyari. At sa oras ding yon ko napagtanto na nakinig sa akin ang aking ama. Na sa ilang taong akala ko ay sarado ang kanyang pag-iisip sa amin dahil nabalot ito ng poot at galit sa kahirapan ay may puwang pa rin palang naghihintay lang na aming silipin at bigyan ng liwanag.
Doon ko lang din nabigyan ng paliwanag kung bakit naging ganun si Papang dati. Ito’y dahil sa kahirapang kailanman man ay di nya ninais na aming maranasan ngunit aming nadama na syang nagkubli sa kanya at nagbigay ng hiya. Nahihiya pala sya sa amin dahil hindi nya maibigay ang lahat-lahat na aming pangangailangan sa buhay. Nahihiya pala syang makipagsaya sa amin dahil sa loob nya ay kulang na kulang pa ang kanyang pagiging ama.
Dahil na rin sa naging maling depensa nya ang bisyo sa alak ay binalot ang aking ama ng isang karamdamang nagpahirap sa kanya. Noong mga taong iyon ay nasa tabi nya lang kami habang saksi ang kanyang pakikipaglaban. Doon din namin nasabi at naipadama sa kanya kung gaano namin sya kamahal dahil sa pagiging ama sa amin…dahil sa pagsusumikap mabuhay lamang kami..na wala syang dapat ikahiya dahil ang mga iyon ay sapat na sapat na para sa amin. Pagkatapos ng iilang taong pagdurusa dulot ng kanyang sakit ay tuluyan na ngang binawian ng buhay si Papang. Batid ko ang pakikipaglaban nya hanggang sa huling hininga dahil sa puso ko ay gusto nya pang mabuhay upang maipadama sa amin na mahal na mahal nya kami.
Di na kailangan Papang dahil noon pa man, kahit minsan ay may mga paunti-unting pag-aalinlangan, ay dama namin ang pagmamahal mo sa iyong pamilya at kami’y nagpapasalamat. At humihingi ng kapatawaran sa aming mga pagkukulang sa iyo.
Sa ngayon na ako’y may maayos nang hanapbuhay at kahit papaano ay nakakaraos naman, di ko maiwasang isipin na kung sana ay nabigyan ka lang ng konti pang mga taon na mabuhay ay sana’y naipadama ko sa iyo ang isang malaya at maginhawang pag-iisip na di nag-aalala sa kahirapan. Sana’y naiparanas ko sa iyo ang buhay na minimithi mo para sa amin. Pero ganunpaman, alam kong ikaw ay masayang-masaya para sa amin.
Papang, isa pa ito sa hinihingi ko ng tawad. Alam kong alam mo na isang beses ko lang nasabi ang mga katagang ito sa iyo, doon lang sa huling hantungan mo... Ngunit ngayon ay uulitin ko…
Mahal na mahal kita, Papang”.

BAHAGHARI SA PASKO

Sa Paskong darating inaasam ko’y bahaghari
Iba’t ibang kulay, kinang ay nagwawari
Gaya rin ng mga parol at ilaw na kumukutitap
Malamig na simoy ng hangin ay madaramang ganap.

Ang kulay na PULA ay kaaya-ayang talaga
Parang mga mansanas na nakahain sa mesa
Simbolo ay PAGMAMAHAL sa iyong sinisinta
Binibigkis ang lahat nang magkakapamilya.

Ang DALANDAN naman ang kulay ng susunod na taon
Kasing kulay ng araw na papalubog sa dapithapon
Sabi nila’y kulay ito ng pagkamalikhain
Maghahatid ng SIGLA sa buhay pa man din.

Di naman papatalo ang tingkad ng DILAW
Sinag-araw na ang silbi sa mundo ay ilaw
PAG-ASA ang hatid sa mga dagok na lumipas
Nagbibigay liwanag sa mga panahong wagas.

LUNTIAN ang kulay ng ating kapaligiran
Mga punong nagsisilbing ating mga kaibigan
Tulad ng mga ito tayo ay tutubo’t babangon
BALANSE sa buhay saan man tayo paroroon.

Panatag na kalooban kay BUGHAW nakalaan
Kasing lawak at lalim ng ating karagatan
KAPAYAPAAN sa mundo ang siyang tanging dasal
Tanging kailangan lang ay mga magagandang asal.

INDIGO ang kulay ng malalim na hatinggabi
PAGBABAGO sa sarili ang simbolo nyang hinahabi
Panahong magnilay-nilay sa mga di dapat nangyari
Totoong tapat at mahusay sa pagiging mabuti.

Kulay LILA naman ang kulay ng tamang paghusga
Kahuluga’y mga saktong hangarin sa tuwina
Mga layunin sa buhay at kaisipang payapa
Tunay na makakamit kung PANALANGIN ang sandata.

Sa Paskong darating inaasam ko’y bahaghari
Liwanag at busilak sa mga puso’y manatili
Bigyan ng saysay ang tunay na diwa ng Pasko
Ibahagi ang mga kulay ng buhay sa kapwa mo.

Beatitudes for Single People










(while browsing very old emails, i've found this particular email by a lady friend who loves being single. Check it out...)


1. Blessed are the singles, for theirs alone is their income.


2. Blessed are those who are detached, they can go where they
please, when they please.


3. Blessed are the non-couples, they shall inherit no one else's
problems but their own.


4. Blessed are the uncommitted, they have no phone calls to wait for.


5. Blessed are those who do not thirst for companionship, they do not
have to share the remote.

6. Blessed are the purely unattached, for they will see what they want
in the shops and go buy it without any thought as to whether their mate
will approve of the purchase. In other words, they can indulge without
guilt.


7. Blessed are those who are persecuted when Valentine's day rolls in,
they do not need some stupid special day declared to remind them that
they are happy in their present state.


8. Blessed are you when couples walk by arm in arm on a rainy day, you're
not getting wet, they are. (I mean, try squeezing two people
under a small umbrella!)

NARCISSISM

TATLUMPO’T ISANG KILOMETRO

Sa unang kilometro ako ay gumapang
Gasolina ko’y ang gatas ni Mamang
Mga tuhod ay talagang matatapang
Sugod nang sugod lang hanggang makahakbang.

Sa pangalawang kilometro ay natutong tumayo
Mga binti’y tinutuwid kahit na napipiko
Laklak pa rin ay ang gasolinang gatas ko
Upang maayos na tindig ay tuluyang mabuo.

Sa pangatlo hanggang panglimang kilometro
Lakad na ang talagang natutunang husto
Mga gasolina’y gatas, tubig at juice sa baso
At simula na rin ang paminsang talon at takbo.

At ako nga’y naglakad, tumalon at tumakbo
Upang marating ang mga gusto kong kalaro
Para na rin makapasok sa eskwelang sabik ako
Pang-anim hanggang labindalawang kilometro.

Mga araw sa elementarya ay di kumpleto
Hangga’t di nakainom ng gasolinang gulama’t sago
Pantawid-uhaw sa maliksing batang tulad ko
Talon dito, takbo doon, sa aking paglalaro.

Mga kilometrong labing-tatlo hanggang labing-anim
Buhay hayskul na ang aking naatim
Madalang na ako sa mga talon at takbo
At sa halip ay nagsusunog-kilay sa kwarto.

Natapos akong umani ng karangalan
Laking tuwa’t saya ng aking mga magulang
Ang tinta ng bolpen ang aking naging gasolina
Upang makamit ang natatanging medalya.

Simula ng kolehiyo ang ikalabing-pitong kilometro
Patuloy lang sa pag-inom ng tinta ng buong-buo
Upang pangalagaan ang aking mga grado
Pagiging iskolar ay talagang kailangan ko.

Ang ikalabing-walong kilometro hanggang dalawampu
Matitirik at lubak na daan sa paaralan ang tinahak ko
Samu’t saring hinaing ng estudyante ay natikmang buo
At nadiskubre rin ang alak doon sa may kanto.

Laklak-alak ay tinikman at naging gasolina
Sa pagharap ng mga problema sa eskwela
Ngunit mga balakid ay hinarap at nalagpasan
Ika-dalawampu’t isang kilometro’y natapos na may karangalan.

Sa pagpasok sa tunay na mundo ng hanapbuhay
Ay inihanda ang sarili kong tunay
Mga gasolinang edukasyo’t ambisyon ay nilaklak
Upang magsikap na may lakas at galak.

Tiyaga’t pagsisipag ang naging gasolina
Sa pagtamo ng maayos na posisyon sa opisina
Sa ikadalawampu’t dalawa hanggang limang kilometro
Ay simula nang pinagtibay ng realidad sa mundo.

Ikadalawampu’t anim na kilometro ay narating
Sabay na pagkamit ng sinikap at hiniling
Trabaho sa ibayong-dagat ay aking nakamit
Magkahalong tuwa’t lungkot ang aking bitbit.

Sa malayong dapit ako ay nangulila
Dasal at aking pamilya ang naging gasolina
Ang pag-asang iahon sila sa kahirapan
Ang patuloy na nilaklak upang lumaban.

May mga pagkakataong ako’y nanghina
Nakalimutang uminom ng aking gasolina
Naging marupok sa mga kasalanan
Ngunit naging daan para maraming matutunan.

Ikadalawampu’t pito, walo at siyam na kilometro
Hanggang sa umabot ng ika-tatlumpo
Pagsisikap at kalungkutan ng pangingibang-bayan
Upang maitawid-gutom , sa pamilya’y nakalaan.

Sa ngayon ay kasalukuyang tumatakbo
At ako nga ay andito na sa ika-tatlumpo’t isang kilometro
Iba’t ibang gasolina ang kinailanga’t natamo
Upang maging mabilis sa pag-asenso.

Samu’t saring karanasan sa buhay
Ang dapat mapagdaanan upang tuluyang tumibay
Samu’t saring gasolina ang dapat inumin
Upang lakas ng loob ay iyong masalamin.

Gapang…Lakad…Talon…Takbo…
Ang mga ginawa upang marating ko
Ang ika-tatlumpo’t-isang kilometrong buhay sa mundo
Pinagtibay ng iba’t ibang klase ng gasolinang nilaklak ko.

PAGHIHINTAY

Isang gabing ako’y naglalakad
Sa ilalim ng buwang sa dilim ay nababad
Nang biglang bumuhos ang ulan na kay lakas
Dali-daling sumilong sa dulo
Para hintayin ang pagtila nito

Parang gaya lng din ng iba na laging may hinihintay
Na dumating ang oras ng uwian sa trabaho
At maghihintay ng bus na masasakyan sa kanto.
Ang iba’y sa teleseryeng sinusubaybayan
At suweldo sa kinsenas at katapusan.

Ngunit ang iba ay higit pa dyan ang hinihintay
Tawag ng trabahong inaplayan
Sagot ng matagal nang nililigawan
Pagbabagong-ugali ng asawang di maiwan
Uwi ng mahal na nag-ibang bayan
Para ikaw ay sustentuhan.

Samu’t saring istorya, iba’t ibang paghihintay.
Ang iba’y karaniwan, ang iba’y mahalaga.
Matiyaga.Umaasa. Nagdarasal.
Ngunit minsa’y di tlaga laan
Ang matagal nang inaabangan
Kung kaya mo mang maghintay
Ito’y hanggang kailan?

Sumilip ako paitaas.
Matindi pa rin ang buhos ng ulan
Umiiyak pa rin ang langit
Di ko mawari kung ano ang gagawin
Hihinto pa ba o lalo pang lalakas?
Nagbabadya ba ito sa akin?
Na kailangan ko nang suungin
O maghihintay pa rin?