Papang

Naging inspirasyon ko ang kahirapan namin sa buhay na talagang paghusayan ko ang aking pag-aaral. Makatapos taon-taon na nasa pinakatuktok ng karangalan simula elementarya hanggang kolehiyo at pati na rin sa eksamen ng pagiging ganap na inhinyero. Ito ang pinakatatangi kong hamon sa sarili noong ako’y nag-aaral pa. Isang hamong humubog kung nasaan man ako ngayon. Hindi iyon madali sa mga mahirap na mag-aaral tulad ko. Alam kong marami ang nakakahawig sa karanasan kong ito. Tuwing may mga proyekto sa eskwela na kailangang pagkakagastusan ay isang seryosong pag-iisip ng aking mga magulang kung saang baul kukunin iyon dahil kulang pa nga ang salapi sa kaning ihahapag para sa lahat. Mahirap. Masaklap. Nakakawalang-gana minsan.
Ngunit kahit ganoon pa man ay hitik naman ako sa sobra-sobrang pagpupuri ni Mamang na tuwang-tuwa sa mga karangalang natatamasa ko sa paaralan. Pero para sa akin ay kulang pa rin iyon dahil naghahanap din ako ng pagpapahalaga galing kay Papang. Bata pa lang ako e di na talaga ako malapit sa kanya dahil sa pag-uugali nyang iyon na di ko naiintindihan. Hindi sya yung tipong ama na ipinapakita ang kanyang kagalakan sa mga masasayang bagay na nangyayari sa kanyang mga anak. Tahimik lang syang nakatutok sa aming estado sa buhay at kung paanong magsumikap mairaos lang ang bawat isang araw ng buhay-pamilya. Ang kahirapang dahilan kung di sya masyadong nakangiti, na palaging mainit ang ulo at naging mitsa nang madalas na pag-inom ng alak na mag-isa.
Naging lulong nga sa bisyo ng alak ang tatay ko noon at iyon ay nasaksihan naming magkakapatid simula pagkabata. Sa murang isip ay pilit ko itong inintindi at binigyan ng paliwanag kung bakit ito nangyayari sa kanya. Sa amin. Kung bakit humantong sa puntong iniisip ko kung anak nya ba talaga kami dahil hindi ko maramdaman ang kanyang pagmamahal. Kung bakit sa isang punto ay kailangang umiyak nang umiyak ng nanay ko sa tabi habang ang tatay ko ay lunod na sa espiritu ng alak at isinisigaw ang galit sa kahirapan. Hindi ba pwedeng isantabi muna ang mga problema at sabay-sabay kaming tumawa bilang isang pamilya? Oo sabi ni Mamang. Hindi sabi ni Papang.
Lumipas pa ang mga taong palaging ganun ang eksena sa bahay. Nasa kolehiyo na ako nang muntik pang humantong sa hiwalayan ngunit sa pagkakataong iyon ay nagpakatatag akong maging boses naming magkakapatid na dapat hindi humantong sa puntong masisira ang aming pamilya. Sa awa ng Diyos ay di nga nangyari. At sa oras ding yon ko napagtanto na nakinig sa akin ang aking ama. Na sa ilang taong akala ko ay sarado ang kanyang pag-iisip sa amin dahil nabalot ito ng poot at galit sa kahirapan ay may puwang pa rin palang naghihintay lang na aming silipin at bigyan ng liwanag.
Doon ko lang din nabigyan ng paliwanag kung bakit naging ganun si Papang dati. Ito’y dahil sa kahirapang kailanman man ay di nya ninais na aming maranasan ngunit aming nadama na syang nagkubli sa kanya at nagbigay ng hiya. Nahihiya pala sya sa amin dahil hindi nya maibigay ang lahat-lahat na aming pangangailangan sa buhay. Nahihiya pala syang makipagsaya sa amin dahil sa loob nya ay kulang na kulang pa ang kanyang pagiging ama.
Dahil na rin sa naging maling depensa nya ang bisyo sa alak ay binalot ang aking ama ng isang karamdamang nagpahirap sa kanya. Noong mga taong iyon ay nasa tabi nya lang kami habang saksi ang kanyang pakikipaglaban. Doon din namin nasabi at naipadama sa kanya kung gaano namin sya kamahal dahil sa pagiging ama sa amin…dahil sa pagsusumikap mabuhay lamang kami..na wala syang dapat ikahiya dahil ang mga iyon ay sapat na sapat na para sa amin. Pagkatapos ng iilang taong pagdurusa dulot ng kanyang sakit ay tuluyan na ngang binawian ng buhay si Papang. Batid ko ang pakikipaglaban nya hanggang sa huling hininga dahil sa puso ko ay gusto nya pang mabuhay upang maipadama sa amin na mahal na mahal nya kami.
Di na kailangan Papang dahil noon pa man, kahit minsan ay may mga paunti-unting pag-aalinlangan, ay dama namin ang pagmamahal mo sa iyong pamilya at kami’y nagpapasalamat. At humihingi ng kapatawaran sa aming mga pagkukulang sa iyo.
Sa ngayon na ako’y may maayos nang hanapbuhay at kahit papaano ay nakakaraos naman, di ko maiwasang isipin na kung sana ay nabigyan ka lang ng konti pang mga taon na mabuhay ay sana’y naipadama ko sa iyo ang isang malaya at maginhawang pag-iisip na di nag-aalala sa kahirapan. Sana’y naiparanas ko sa iyo ang buhay na minimithi mo para sa amin. Pero ganunpaman, alam kong ikaw ay masayang-masaya para sa amin.
Papang, isa pa ito sa hinihingi ko ng tawad. Alam kong alam mo na isang beses ko lang nasabi ang mga katagang ito sa iyo, doon lang sa huling hantungan mo... Ngunit ngayon ay uulitin ko…
Mahal na mahal kita, Papang”.

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.