TATLUMPO’T ISANG KILOMETRO

Sa unang kilometro ako ay gumapang
Gasolina ko’y ang gatas ni Mamang
Mga tuhod ay talagang matatapang
Sugod nang sugod lang hanggang makahakbang.

Sa pangalawang kilometro ay natutong tumayo
Mga binti’y tinutuwid kahit na napipiko
Laklak pa rin ay ang gasolinang gatas ko
Upang maayos na tindig ay tuluyang mabuo.

Sa pangatlo hanggang panglimang kilometro
Lakad na ang talagang natutunang husto
Mga gasolina’y gatas, tubig at juice sa baso
At simula na rin ang paminsang talon at takbo.

At ako nga’y naglakad, tumalon at tumakbo
Upang marating ang mga gusto kong kalaro
Para na rin makapasok sa eskwelang sabik ako
Pang-anim hanggang labindalawang kilometro.

Mga araw sa elementarya ay di kumpleto
Hangga’t di nakainom ng gasolinang gulama’t sago
Pantawid-uhaw sa maliksing batang tulad ko
Talon dito, takbo doon, sa aking paglalaro.

Mga kilometrong labing-tatlo hanggang labing-anim
Buhay hayskul na ang aking naatim
Madalang na ako sa mga talon at takbo
At sa halip ay nagsusunog-kilay sa kwarto.

Natapos akong umani ng karangalan
Laking tuwa’t saya ng aking mga magulang
Ang tinta ng bolpen ang aking naging gasolina
Upang makamit ang natatanging medalya.

Simula ng kolehiyo ang ikalabing-pitong kilometro
Patuloy lang sa pag-inom ng tinta ng buong-buo
Upang pangalagaan ang aking mga grado
Pagiging iskolar ay talagang kailangan ko.

Ang ikalabing-walong kilometro hanggang dalawampu
Matitirik at lubak na daan sa paaralan ang tinahak ko
Samu’t saring hinaing ng estudyante ay natikmang buo
At nadiskubre rin ang alak doon sa may kanto.

Laklak-alak ay tinikman at naging gasolina
Sa pagharap ng mga problema sa eskwela
Ngunit mga balakid ay hinarap at nalagpasan
Ika-dalawampu’t isang kilometro’y natapos na may karangalan.

Sa pagpasok sa tunay na mundo ng hanapbuhay
Ay inihanda ang sarili kong tunay
Mga gasolinang edukasyo’t ambisyon ay nilaklak
Upang magsikap na may lakas at galak.

Tiyaga’t pagsisipag ang naging gasolina
Sa pagtamo ng maayos na posisyon sa opisina
Sa ikadalawampu’t dalawa hanggang limang kilometro
Ay simula nang pinagtibay ng realidad sa mundo.

Ikadalawampu’t anim na kilometro ay narating
Sabay na pagkamit ng sinikap at hiniling
Trabaho sa ibayong-dagat ay aking nakamit
Magkahalong tuwa’t lungkot ang aking bitbit.

Sa malayong dapit ako ay nangulila
Dasal at aking pamilya ang naging gasolina
Ang pag-asang iahon sila sa kahirapan
Ang patuloy na nilaklak upang lumaban.

May mga pagkakataong ako’y nanghina
Nakalimutang uminom ng aking gasolina
Naging marupok sa mga kasalanan
Ngunit naging daan para maraming matutunan.

Ikadalawampu’t pito, walo at siyam na kilometro
Hanggang sa umabot ng ika-tatlumpo
Pagsisikap at kalungkutan ng pangingibang-bayan
Upang maitawid-gutom , sa pamilya’y nakalaan.

Sa ngayon ay kasalukuyang tumatakbo
At ako nga ay andito na sa ika-tatlumpo’t isang kilometro
Iba’t ibang gasolina ang kinailanga’t natamo
Upang maging mabilis sa pag-asenso.

Samu’t saring karanasan sa buhay
Ang dapat mapagdaanan upang tuluyang tumibay
Samu’t saring gasolina ang dapat inumin
Upang lakas ng loob ay iyong masalamin.

Gapang…Lakad…Talon…Takbo…
Ang mga ginawa upang marating ko
Ang ika-tatlumpo’t-isang kilometrong buhay sa mundo
Pinagtibay ng iba’t ibang klase ng gasolinang nilaklak ko.

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.