Tinig Na Walang Kapantay

Samu’t saring tinig ang aking naririnig.
Iba’t ibang emosyon ang iyong ibinabatid.
Tinig mo ang kasabay sa mga araw na matatamis
Tinig mo rin ang yakap sa mga oras ng hinagpis.

Dinig na dinig ko ang iyong malambing na tinig. Ako’y iyong kinakausap. Sinasabi mong ako’y isang biyaya…na ako’y isang anghel mula sa langit…na ako’y iyong dasal na naisakatuparan. Tinig na bumuo’t nagpalakas sa akin.
Dinig na dinig ko ang iyong tinig ng pagkasabik sa unang pagbuka ng aking mga mata at sa tuluyan kong paghakbang at pagbigkas na kung saa’y una mong narinig ang mumunti kong tinig. Tinawag kita’t ika’y napaluha sa tuwa.
Dinig na dinig ko ang iyong tinig ng paghele sa mga gabing di ako mapalagay sa init at gutom. At tanging ang tinig mo lang ang nagpatahan sa akin. Tuluy-tuloy lang ang awit mong kasinglamig ng gabing mahimbing.
Dinig na dinig ko ang iyong tinig ng pag-aruga’t paggabay sa aking pagpasok sa eskwela. Sa tinig mong nagsasabing mag-aral ako nang mabuti upang makapagtapos at makahabi ng maganda’t tiyak na kinabukasan.
Dinig na dinig ko ang iyong tinig ng tuwa’t pagkagalak taon-taon sa pag-akyat mo sa entablado upang isabit sa akin ang mga medalya’t karangalang aking nakamit.
Dinig na dinig ko ang iyong tinig ng pagkagalit sa mga di kanais-nais kong nagawa na di mo nagustuhan. Tanging ang tinig mong iyon  lang ang nakapagbabagabag sa akin kaya’t dali-dali akong humihingi ng tawad at nagiging payapa kapag ako’y niyakap mo na.
Dinig na dinig ko ang iyong tinig ng pangaral tuwing ako’y lumalapit at humihingi ng kalinga sa mga panahong ako’y nalilito sa trabaho, pag-ibig at sa lahat ng komplikasyon sa buhay. At tanging sa iyo lang nakaaatim ng kaliwanagan ng puso’t isipan.
Dinig na dinig ko ang iyong tinig ng pagmamahal. Tinig na nanggagaling sa mga katagang iyong binibitawan. Tinig na nanggagaling sa mapupungay mong mga mata. Tinig na nanggagaling sa haplos ng iyong mga kamay. Tinig na nanggagaling sa puso mo, INAY.
Iisang tinig na walang kapantay.
Sana ay tulad mo ang mga tinig nila. Nagkakalinga. Nakauunawa. Hindi naninira. Hindi nanghuhusga.

Bunso

Isang hapon ng Linggo. Nagmamadali ako. Hinahabol ang oras. Sobrang huli na ako sa takda nating pagkikita. Dala-dala ang bolang pinangako ko sa iyo. Makailang liko pa at naririyan na ako. Sinalubong mo ako ng malaking ngiti sa mukha. Niyakap kita nang mahigpit. At binigay ang bola. Nagpasahan tayo. Kitang-kita ko ang tuwa sa iyong mga mata at ito’y nasasalamin sa tuwang nadarama sa aking puso. Pawisan tayong dalawa sa paglalaro. Walang tigil. Walang blangkong sandali. Puro kulitan, tawanan at kasiyahan. Pero dumating din ang paglubog ng araw. Oras na para ako’y umuwi. Hinalikan ka sa pisngi at niyakap sabay nagpaalam. Bakas ko ang bigla mong pagkatamlay. Babalik naman ako sa susunod na Linggo. At ako’y lumisan.

Makalipas ang isang Linggo. Biglang nahiya ang araw at ikinubli ng umiitim na ulap. Nagbabadyang uulan. Pero di pwedeng mabali ang pangakong tayo’y magkikitang muli. Dali-daling nagbihis, binitbit ang payong at maliit na tent. At isang basket na ang laman ay ang paborito mong spaghetti. Sinamahan na rin ng Coke na madalas mong inumin. Nasa huling liko na ng kotse ng maaninag ko ang iyong tindig sa ilalim ng puno na halatang kanina pa naghihintay. At gaya ng inaasahan ay sinalubong mo ako ng ngiti’t pagkagalak sabay halik at yakap. Tinayo ko ang tent at pumasok tayong dalawa para pagsaluhan ang dala kong meryenda. Busog na busog ka. Ubos ang paborito mong pinahanda ko kay Ina. Halatang sabik ka sa mga luto niya. Ngunit sadyang napakabilis ng mga sandal. Kinailangan ko na namang magpaalam at umuwi. Di pa rin tumitila ang ulan. At mangiyak-ngiyak ang iyong mga mata habang winawagayway ang iyong kamay na nagpapaalam. Babalik naman ako sa susunod na Linggo. At ako’y lumisan.

At dumating na naman ang araw ng Linngo. Bahagyang init, bahagyang kulimlim. Tama-tamang timpla. Medyo mahangin pa. Mga aklat naman ang dala ko para ikaw ay turuan. Sa pagkakataong ito, mas maaga ako kaysa sa takdang oras ng pagkikita at ito’y iyong ikinabigla’t ikinatuwa. Umupo lang tayo sa lilim at maghapong nagbasa ng mga aklat at tinuruan kitang magbalanse ng mga numero. Ang bilis mo talagang matuto. Sadyang ikaw ay matalino. At sabi mo’y mana ka sa akin. Kaya nga di ako nag-dalawang-isip noon na ako ang magpapaaral sa iyo. At iyon naman talaga ang pangako mo sa akin na magpapakabait ka’t magsusunog ng kilay. At pagkatapos ng pagtuturo ko’y tiniklop na ang mga aklat at nagpaalam na naman. Ano pa ba ang mababakas sa iyong mukha kundi kalungkutan. Hayaan na. Babalik naman ako sa susunod na Linggo. At ako’y lumisan.

Dumating ang huling Linggo ng buwang iyon. Muli akong nagpakita at ako’y sinalubong mo ng mahigpit na yakap. Tinumbasan ko ito ng mahigpit ding yakap at halik sa pisngi sabay punas sa tumutulo kong luha. Di ko mapigilan ang maiyak. Nalulungkot akong magpaalam na di na tayo pwedeng magkita linggo-linggo gaya ng inaasahan mo. Mag-iibayong dagat na akong muli. Naintindihan mo naman ito pero sobrang lungkot din ng iyong mukha. Wala masyadong kwentuhan. Walang kulitan. Walang halakhakan. Magkayakap lang tayo. Tayong dalawa lang. At tuluyan na ngang ikaw ay nagpahinga. Sinamahan pa kita ng iilang oras sa iyong pagkakahimbing. At bago ako tuluyang nagpaalam ay nilabas ko ang aking mga baon para sa iyo. Isang kumpol ng mga bulaklak at tatlong puting kandila. Ang mga kandila’y sinindihan sabay alay ng taimtim na dasal. At ako’y lumisan.

Mahal na mahal kita, Bunso. Kailanma’y di ka naalis sa puso ko’t isipan.

Umaga

Ang pagsibol ng umaga’y tanglaw
Sa kaisipan ay nagsilbing ilaw
Panaginip sa kawalan ay sinaklaw
Gising para sa panibagong galaw.

Umagang kay ganda’t marikit
Minumulat ang matang nakapikit
Isang salubong at yakap na mahigpit
Ang hatid ng araw na kaakit-akit.

Sa bawat umagang  gumigising ng kamalayan
Pag-asa’t agam-agam ang hatid sa kaisipan
Payapa’t masaya ang alay sa puso naman
Para sa tulad kong nangangailangan.

Batid ng isipa’y malinaw na daloy ng diwa
Sa puso’y pagmamahal ang nangangasiwa
At ang natatanging dasal sa umagang darating
Katabi ang taong nakalaan sa aking piling.

Papang

Naging inspirasyon ko ang kahirapan namin sa buhay na talagang paghusayan ko ang aking pag-aaral. Makatapos taon-taon na nasa pinakatuktok ng karangalan simula elementarya hanggang kolehiyo at pati na rin sa eksamen ng pagiging ganap na inhinyero. Ito ang pinakatatangi kong hamon sa sarili noong ako’y nag-aaral pa. Isang hamong humubog kung nasaan man ako ngayon. Hindi iyon madali sa mga mahirap na mag-aaral tulad ko. Alam kong marami ang nakakahawig sa karanasan kong ito. Tuwing may mga proyekto sa eskwela na kailangang pagkakagastusan ay isang seryosong pag-iisip ng aking mga magulang kung saang baul kukunin iyon dahil kulang pa nga ang salapi sa kaning ihahapag para sa lahat. Mahirap. Masaklap. Nakakawalang-gana minsan.
Ngunit kahit ganoon pa man ay hitik naman ako sa sobra-sobrang pagpupuri ni Mamang na tuwang-tuwa sa mga karangalang natatamasa ko sa paaralan. Pero para sa akin ay kulang pa rin iyon dahil naghahanap din ako ng pagpapahalaga galing kay Papang. Bata pa lang ako e di na talaga ako malapit sa kanya dahil sa pag-uugali nyang iyon na di ko naiintindihan. Hindi sya yung tipong ama na ipinapakita ang kanyang kagalakan sa mga masasayang bagay na nangyayari sa kanyang mga anak. Tahimik lang syang nakatutok sa aming estado sa buhay at kung paanong magsumikap mairaos lang ang bawat isang araw ng buhay-pamilya. Ang kahirapang dahilan kung di sya masyadong nakangiti, na palaging mainit ang ulo at naging mitsa nang madalas na pag-inom ng alak na mag-isa.
Naging lulong nga sa bisyo ng alak ang tatay ko noon at iyon ay nasaksihan naming magkakapatid simula pagkabata. Sa murang isip ay pilit ko itong inintindi at binigyan ng paliwanag kung bakit ito nangyayari sa kanya. Sa amin. Kung bakit humantong sa puntong iniisip ko kung anak nya ba talaga kami dahil hindi ko maramdaman ang kanyang pagmamahal. Kung bakit sa isang punto ay kailangang umiyak nang umiyak ng nanay ko sa tabi habang ang tatay ko ay lunod na sa espiritu ng alak at isinisigaw ang galit sa kahirapan. Hindi ba pwedeng isantabi muna ang mga problema at sabay-sabay kaming tumawa bilang isang pamilya? Oo sabi ni Mamang. Hindi sabi ni Papang.
Lumipas pa ang mga taong palaging ganun ang eksena sa bahay. Nasa kolehiyo na ako nang muntik pang humantong sa hiwalayan ngunit sa pagkakataong iyon ay nagpakatatag akong maging boses naming magkakapatid na dapat hindi humantong sa puntong masisira ang aming pamilya. Sa awa ng Diyos ay di nga nangyari. At sa oras ding yon ko napagtanto na nakinig sa akin ang aking ama. Na sa ilang taong akala ko ay sarado ang kanyang pag-iisip sa amin dahil nabalot ito ng poot at galit sa kahirapan ay may puwang pa rin palang naghihintay lang na aming silipin at bigyan ng liwanag.
Doon ko lang din nabigyan ng paliwanag kung bakit naging ganun si Papang dati. Ito’y dahil sa kahirapang kailanman man ay di nya ninais na aming maranasan ngunit aming nadama na syang nagkubli sa kanya at nagbigay ng hiya. Nahihiya pala sya sa amin dahil hindi nya maibigay ang lahat-lahat na aming pangangailangan sa buhay. Nahihiya pala syang makipagsaya sa amin dahil sa loob nya ay kulang na kulang pa ang kanyang pagiging ama.
Dahil na rin sa naging maling depensa nya ang bisyo sa alak ay binalot ang aking ama ng isang karamdamang nagpahirap sa kanya. Noong mga taong iyon ay nasa tabi nya lang kami habang saksi ang kanyang pakikipaglaban. Doon din namin nasabi at naipadama sa kanya kung gaano namin sya kamahal dahil sa pagiging ama sa amin…dahil sa pagsusumikap mabuhay lamang kami..na wala syang dapat ikahiya dahil ang mga iyon ay sapat na sapat na para sa amin. Pagkatapos ng iilang taong pagdurusa dulot ng kanyang sakit ay tuluyan na ngang binawian ng buhay si Papang. Batid ko ang pakikipaglaban nya hanggang sa huling hininga dahil sa puso ko ay gusto nya pang mabuhay upang maipadama sa amin na mahal na mahal nya kami.
Di na kailangan Papang dahil noon pa man, kahit minsan ay may mga paunti-unting pag-aalinlangan, ay dama namin ang pagmamahal mo sa iyong pamilya at kami’y nagpapasalamat. At humihingi ng kapatawaran sa aming mga pagkukulang sa iyo.
Sa ngayon na ako’y may maayos nang hanapbuhay at kahit papaano ay nakakaraos naman, di ko maiwasang isipin na kung sana ay nabigyan ka lang ng konti pang mga taon na mabuhay ay sana’y naipadama ko sa iyo ang isang malaya at maginhawang pag-iisip na di nag-aalala sa kahirapan. Sana’y naiparanas ko sa iyo ang buhay na minimithi mo para sa amin. Pero ganunpaman, alam kong ikaw ay masayang-masaya para sa amin.
Papang, isa pa ito sa hinihingi ko ng tawad. Alam kong alam mo na isang beses ko lang nasabi ang mga katagang ito sa iyo, doon lang sa huling hantungan mo... Ngunit ngayon ay uulitin ko…
Mahal na mahal kita, Papang”.

BAHAGHARI SA PASKO

Sa Paskong darating inaasam ko’y bahaghari
Iba’t ibang kulay, kinang ay nagwawari
Gaya rin ng mga parol at ilaw na kumukutitap
Malamig na simoy ng hangin ay madaramang ganap.

Ang kulay na PULA ay kaaya-ayang talaga
Parang mga mansanas na nakahain sa mesa
Simbolo ay PAGMAMAHAL sa iyong sinisinta
Binibigkis ang lahat nang magkakapamilya.

Ang DALANDAN naman ang kulay ng susunod na taon
Kasing kulay ng araw na papalubog sa dapithapon
Sabi nila’y kulay ito ng pagkamalikhain
Maghahatid ng SIGLA sa buhay pa man din.

Di naman papatalo ang tingkad ng DILAW
Sinag-araw na ang silbi sa mundo ay ilaw
PAG-ASA ang hatid sa mga dagok na lumipas
Nagbibigay liwanag sa mga panahong wagas.

LUNTIAN ang kulay ng ating kapaligiran
Mga punong nagsisilbing ating mga kaibigan
Tulad ng mga ito tayo ay tutubo’t babangon
BALANSE sa buhay saan man tayo paroroon.

Panatag na kalooban kay BUGHAW nakalaan
Kasing lawak at lalim ng ating karagatan
KAPAYAPAAN sa mundo ang siyang tanging dasal
Tanging kailangan lang ay mga magagandang asal.

INDIGO ang kulay ng malalim na hatinggabi
PAGBABAGO sa sarili ang simbolo nyang hinahabi
Panahong magnilay-nilay sa mga di dapat nangyari
Totoong tapat at mahusay sa pagiging mabuti.

Kulay LILA naman ang kulay ng tamang paghusga
Kahuluga’y mga saktong hangarin sa tuwina
Mga layunin sa buhay at kaisipang payapa
Tunay na makakamit kung PANALANGIN ang sandata.

Sa Paskong darating inaasam ko’y bahaghari
Liwanag at busilak sa mga puso’y manatili
Bigyan ng saysay ang tunay na diwa ng Pasko
Ibahagi ang mga kulay ng buhay sa kapwa mo.

Beatitudes for Single People










(while browsing very old emails, i've found this particular email by a lady friend who loves being single. Check it out...)


1. Blessed are the singles, for theirs alone is their income.


2. Blessed are those who are detached, they can go where they
please, when they please.


3. Blessed are the non-couples, they shall inherit no one else's
problems but their own.


4. Blessed are the uncommitted, they have no phone calls to wait for.


5. Blessed are those who do not thirst for companionship, they do not
have to share the remote.

6. Blessed are the purely unattached, for they will see what they want
in the shops and go buy it without any thought as to whether their mate
will approve of the purchase. In other words, they can indulge without
guilt.


7. Blessed are those who are persecuted when Valentine's day rolls in,
they do not need some stupid special day declared to remind them that
they are happy in their present state.


8. Blessed are you when couples walk by arm in arm on a rainy day, you're
not getting wet, they are. (I mean, try squeezing two people
under a small umbrella!)

NARCISSISM