Bunso

Isang hapon ng Linggo. Nagmamadali ako. Hinahabol ang oras. Sobrang huli na ako sa takda nating pagkikita. Dala-dala ang bolang pinangako ko sa iyo. Makailang liko pa at naririyan na ako. Sinalubong mo ako ng malaking ngiti sa mukha. Niyakap kita nang mahigpit. At binigay ang bola. Nagpasahan tayo. Kitang-kita ko ang tuwa sa iyong mga mata at ito’y nasasalamin sa tuwang nadarama sa aking puso. Pawisan tayong dalawa sa paglalaro. Walang tigil. Walang blangkong sandali. Puro kulitan, tawanan at kasiyahan. Pero dumating din ang paglubog ng araw. Oras na para ako’y umuwi. Hinalikan ka sa pisngi at niyakap sabay nagpaalam. Bakas ko ang bigla mong pagkatamlay. Babalik naman ako sa susunod na Linggo. At ako’y lumisan.

Makalipas ang isang Linggo. Biglang nahiya ang araw at ikinubli ng umiitim na ulap. Nagbabadyang uulan. Pero di pwedeng mabali ang pangakong tayo’y magkikitang muli. Dali-daling nagbihis, binitbit ang payong at maliit na tent. At isang basket na ang laman ay ang paborito mong spaghetti. Sinamahan na rin ng Coke na madalas mong inumin. Nasa huling liko na ng kotse ng maaninag ko ang iyong tindig sa ilalim ng puno na halatang kanina pa naghihintay. At gaya ng inaasahan ay sinalubong mo ako ng ngiti’t pagkagalak sabay halik at yakap. Tinayo ko ang tent at pumasok tayong dalawa para pagsaluhan ang dala kong meryenda. Busog na busog ka. Ubos ang paborito mong pinahanda ko kay Ina. Halatang sabik ka sa mga luto niya. Ngunit sadyang napakabilis ng mga sandal. Kinailangan ko na namang magpaalam at umuwi. Di pa rin tumitila ang ulan. At mangiyak-ngiyak ang iyong mga mata habang winawagayway ang iyong kamay na nagpapaalam. Babalik naman ako sa susunod na Linggo. At ako’y lumisan.

At dumating na naman ang araw ng Linngo. Bahagyang init, bahagyang kulimlim. Tama-tamang timpla. Medyo mahangin pa. Mga aklat naman ang dala ko para ikaw ay turuan. Sa pagkakataong ito, mas maaga ako kaysa sa takdang oras ng pagkikita at ito’y iyong ikinabigla’t ikinatuwa. Umupo lang tayo sa lilim at maghapong nagbasa ng mga aklat at tinuruan kitang magbalanse ng mga numero. Ang bilis mo talagang matuto. Sadyang ikaw ay matalino. At sabi mo’y mana ka sa akin. Kaya nga di ako nag-dalawang-isip noon na ako ang magpapaaral sa iyo. At iyon naman talaga ang pangako mo sa akin na magpapakabait ka’t magsusunog ng kilay. At pagkatapos ng pagtuturo ko’y tiniklop na ang mga aklat at nagpaalam na naman. Ano pa ba ang mababakas sa iyong mukha kundi kalungkutan. Hayaan na. Babalik naman ako sa susunod na Linggo. At ako’y lumisan.

Dumating ang huling Linggo ng buwang iyon. Muli akong nagpakita at ako’y sinalubong mo ng mahigpit na yakap. Tinumbasan ko ito ng mahigpit ding yakap at halik sa pisngi sabay punas sa tumutulo kong luha. Di ko mapigilan ang maiyak. Nalulungkot akong magpaalam na di na tayo pwedeng magkita linggo-linggo gaya ng inaasahan mo. Mag-iibayong dagat na akong muli. Naintindihan mo naman ito pero sobrang lungkot din ng iyong mukha. Wala masyadong kwentuhan. Walang kulitan. Walang halakhakan. Magkayakap lang tayo. Tayong dalawa lang. At tuluyan na ngang ikaw ay nagpahinga. Sinamahan pa kita ng iilang oras sa iyong pagkakahimbing. At bago ako tuluyang nagpaalam ay nilabas ko ang aking mga baon para sa iyo. Isang kumpol ng mga bulaklak at tatlong puting kandila. Ang mga kandila’y sinindihan sabay alay ng taimtim na dasal. At ako’y lumisan.

Mahal na mahal kita, Bunso. Kailanma’y di ka naalis sa puso ko’t isipan.

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.